PANGASINAN- WALA ng buhay nang matagpuan ng mga opisyal ng barangay ang katawan ng isang lalaki sa loob ng bahay nito sa bayan ng Lingayen sa lalawigang ito.
Batay sa pahayag ni PLt.Col. Vicente Castor, Jr., Officer-in-Charge ng Lingayen Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Carlos Sison Quimson, 79-anyos at residente ng Sitio Guesang, Brgy. Domalandan West, sa nasabing bayan.
Nabatid sa salaysay ng hipag ng biktima na si Clarisa Ramos Quimson, 73-anyos, at residente ng parehong lugar, may napansin itong masangsang na amoy na nanggagaling sa bahay ng kanyang bayaw.
Dahil dito, agad siyang humingi ng tulong sa mga opisyal ng kanilang barangay at nagtungo sa bahay ng biktima at nang kanilang silipin sa bintana ay tumambad sa kanila ang nakahandusay sa sahig na biktima at wala nang buhay.
Ayon sa pahayag ng mga kamag-anak ng biktima, naninirahan ito sa kanyang bahay na mag-isa at may sakit sa puso at hypertension.
Sa kasalukuyan ay nakalagak na ang mga labi ng biktima sa isang funeral home sa nasabing bayan.
EVELYN GARCIA