BANGKAY NG BATANG BABAE NATAGPUAN

bangkay

LAGUNA – NAGSASAGAWA ngayon ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay sa natagpuang bangkay ng tatlong taong gulang na batang babae sa gilid ng riles sakop ng Brgy. Pacita I, lungsod ng San Pedro kamaka­lawa ng umaga.

Ayon sa inisyal na ulat ni PLt. Col. Zeric Soriano, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang itago natin sa alias “Nana”, residente ng 1B, Brgy Pacita I ng naturang lungsod.

Sa imbestigasyon, bandang ala-6:30 ng umaga nang madiskubre ng isang Luis Delos Reyes, residente ng Sitio Camcam, Brgy. Canlalay, Biñan City ang biktima malapit sa isang Mall kung saan agad nitong ipinagbigay-alam sa nakatalagang pulis ng PCP South Pacita.

Nakahandusay at walang saplot ang katawan ng biktima nang matagpuan sa masukal na bahagi malapit sa mismong riles ng tren.

Sa salaysay ng pamilya ng biktima sa pulisya, lumilitaw na nawala ang biktima noong nakaraang Setyembre 27 sa hindi pa mabatid na dahilan samantalang hindi inaasahang bangkay na ito nang matagpuan sa lugar.

Kaugnay nito, patuloy na inaalam ngayon ng pulisya kung ginahasa muna ito bago pinatay ng hindi pa nakikilalang suspek na siyang target ngayon ng mga awtoridad.

Samantalang sasailalim sa awtopsiya ng mga kagawad ng Scene of Crime Operatives (SOCO) ang naturang bangkay para matukoy na rin ng mga ito ang dahilan ng kanyang pagkamatay. DICK GARAY

Comments are closed.