LAGUNA-NAHUKAY ng mga operatiba ng Laguna SOCO at Calauan municipal police station ang bangkay ng isang Korean national na pinalo sa ulo at saka inilibing sa mababaw na hukay sa isang piggery sa Purok 5, Lamot 2 ng nasabing bayan sa lalawigang ito.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Jae Sun Kim, 59-anyos, may- asawa at residente ng Jae Cheon City, South Korea.
Base sa pahayag ni Lt.Col. Donna Villa Huelgas, chief ng SOCO Laguna, isang email ang natanggap ng Calauan municipal PNP mula sa Korean Embassy na nagsasaad na imbestigahan at hukayin ang bangkay ng biktima matapos na sumurender sa embahada ng Korea ang suspek na si Sung Su Cheon, 69-anyos, asawa ng biktima at ipinagtapat ang ginawang pagpatay nito.
Ayon pa kay Huelgas, personal na nagtungo sa kanilang tanggapan si Jincheol Choi, anak nina Kim at Cheon para maging saksi sa gagawin paghukay sa bangkay ng kanyang ina kasama ang Filipino representative na si Jomer Olazo.
Sa pahayag sa pulisya ni Heo Hyung Suk, South Korean Consular officer, kusang sumuko sa kanilang embahada si Sung Cheon at idinetalye ang ginawa nito kung paano pinatay ang biktima.
Sinabi umano ng suspek na nagkaroon sila ng matinding pagtatalo ng asawa noong Agosto 25 ng taong kasalukuyan na humantong sa pagkakapalo niya ng tubo sa ulo ng biktima ng tatlong beses.
Binalot umano niya ng kumot ang bangkay at saka ibinaon sa kanilang piggery hindi kalayuan sa kanilang tinutuluyan bahay.
Sinabi pa umano ni Heo Hyung Suk na nakakulong na sa Jae Cheon city police sa South Korea ang suspek at walang piyansang ibinigay ang korte para sa kalayaan nito. ARMAN CAMBE