BANGKO NINAKAWAN NG BANGAG NA CRANE OPERATOR

LAGUNA – HINIHINALANG bangag at wala sa tamang pag-iisip ang isang crane operator matapos puwersahang pasukin at pagnakawan nito ang bangko sa Bgy. Pagsawitan, Sta. Cruz, Huwebes ng hatinggabi.

Sa ulat ni PLt. Col. Chitadel Gaoiran, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, kinilala ang suspek na si Rhomey Rabanzo Coralde, 35-anyos,may asawa ng Sitio I, Bgy. Palasan ng bayang ito.

Ayon kay Gaoiran, bandang alas-11:30 ng hatinggabi nang makatanggap sila ng tawag matapos umalarma ang nasabing bangko at may nakitang tao sa loob sa pamamagitan ng CCTV.

Agarang nagresponde ang mga awtoridad sa lugar kung saan nadiskubre ng mga ito ang binasag na kalahati ng salamin ng pintuan ng suspek gamit ang malaking bato para makapasok sa loob habang walang nakatalagang security guard.

Tumambad sa mga ito ang niransak na mga cabinet habang ang suspek ay nagawa pang magtago at umakyat sa kisame kung saan doon naaresto ng pulisya habang umiiyak.

Narekober mula sa suspek ang ninakaw nitong mahigit na P1,000 cash, samsung cellphone with charger na umaabot sa halagang P8,000 , computer monitor na nasa P5000 halaga habang inaalam pa ng pulisya ang iba pang kagamitan na tinangka nitong tangayin.

Nahaharap sa kasong Bank Robbery ang suspek na nakapiit sa Sta. Cruz PNP Custodial Cell habang hinihintay ang iba pang isasampang kaso ng tumatayong complainant na Bank Security na si Astillero Salvador, 42-anyos ng Barangay Concepcion, Lumban, Laguna.  DICK GARAY

Comments are closed.