BANGLADESHI KALABOSO SA PEKENG PASAPORTE

PH PASSPORT

MAYNILA – INARESTO ng mga taga-Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino international Airport (NAIA) sa Parañaque City  ang isang Bangladeshi dahil sa pagdadala ng pekeng Canadian passport.

Kinilala ni Immigration commissioner Jaime Morente itong suspek na si Md Abu Saied, 31 anyos, at nahuli noong Setyembre 30 sa NAIA Terminal 2 bago siya makasakay sa kanyang connecting flight papuntang Los Angeles, California.

Dumating si Saied sa NAIA galing Bangkok, Thailand bilang isang transit passenger, at pagbaba nito mula sa kanyang flight, agad inimbitahan ng Immigration officer (IO) for questioning dahil kaduda-duda ang kanyang kilos at pagkatao.

Sa inisyal na imbestigasyon inamin nito na nagbayad siya ng $4,000 para sa kanyang Canadian passport sa isang sindikato sa Bang­ladesh para makapasok siya sa United States.

Ayon kay Atty. Rommel Tacorda , hepe ng BI’s Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng Bureau of Immigration, nadiskubre ng kanyang mga tauhan na mayroon itong Bangladesh passport, pekeng driver license at Social Insurance ID na inisyu sa Ontario.

Habang nakasalang for questioning iginigiit nito na tumira siya ng 12 taon sa tinatawag na French-speaking city sa Montreal, ngunit hindi siya marunong ng salitang French ayon pa kay Tacorda.

Samantalang, na-intercept ng BI officers sa NAIA Terminal 1 noong Oktubre 12 ang pamilyang Pakistani na may pekeng Cana­dian Visas na nagnanais sumakay sa kanilang flight papuntang Canada.

Ang pamilyang Pakistani ay nakilala na sina Mohsin Maqsood, Iqra Mohsin, at Rida Mohsin, at na-intercept ito noong Sabado ng hapon ng mga tauhan ng  Bureau’s Travel Control and Enforcement Unit, sa tulong ng airline staff.

Ang tatlong ito ay pasakay sa kanilang Philippine Airlines flight papuntang Canada, at nadiskubre na peke ang kanilang mga Canadian visas.

Sa pakikipanayam, inamin ng mga ito na binili nila ang kanilang mga pekeng Canadian Visas mula sa isang Pakistani at Indian national, ng halagang hindi bababa sa kalahating milyong piso.

Sa nangyaring verification sa Canadian authorities nabulgar na mga peke ang kanilang mga dokumento, at agad na dinala ang mga ito sa BI deten-tion facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. FROI MORALLOS

Comments are closed.