BANGSAMORO ORGANIC LAW NARATIPIKAHAN NA

BANGSAMORO

NARATIPIKAHAN na rin sa wakas ng Mababang Kapulungan ang panukalang Bangsamoro Organic Law o mas kilala na Bangsamoro Basic Law.

Sa ilalim nito, lilikha ng bagong entity na Bangsamoro Autonomous Region na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Napagkasunduan sa panukala ang territorial jurisdiction ng Bangsamoro Region kung saan sa ilalim ng final draft, mananati­ling kabilang sa rehiyon ang Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi.

Maaari namang ma­dagdag ang Cotabato City, Isabela City, anim na bayan sa Lanao del Norte at 39 barangay sa North Cotabato kapag bumoto ang mga residente roon sa plebesito pabor sa pagsama sa Bangsamoro Region.

Ang mga kalapit na lugar naman na nais mapabilang sa Bangsamoro Region ay maaaring mapasama kung magpapasa ng resolusyon ang local government nito o kaya naman ay petition ang mga taga-rito at aaprubahan ng hindi bababa sa 10 porsiyento ng mga registered voter sa lugar.

Pamumunuan ang Bangsamoro Region ng chief minister at dalawang deputy ministers na ihahalal mula sa parliament.

Ang mga miyembro ng parliament ay mayroong tatlong taong termino  at  maximum na  3 consecutive terms.

Mayroon din ang Bangsamoro Region na fiscal autonomy kung saan nakasaad dito ang “block grant of  5%” mula sa national internal revenue na katumbas ng P60 to P70 billion kada taon.

Makakakuha rin ang Bangsamoro Region ng 75 percent taxes mula sa nakolekta ng national government na mas mataas sa kasalukuyang 70% na share ng ARMM.         CONDE BATAC

Comments are closed.