BANGUS NI NEIL COLETA

DAHIL apektado ng pandemya, umisip ng pagkakakitaan si Neil Coleta.

“Walang arti-artista ngayon. Lahat tayo pantay-pantay that time. Naisip ko, paubos na ang kapital ko, e, yung inipon ko. Sabi ko sa sarili ko, ‘Mag-business ako na di kailangang ikahiya.'”

Yeah, right! Kaila­ngang dumiskarte ang mga artista para kumain. Wala kasi siyang proyekto kaya naisipan niyang magnegosyo para maitawid ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya, at para ma­panatili na ring kalmado ang kanyang mental health.

Ayon sa aktor, nagtinda siya ng bangus na kinukuha sa Dagupan City.

“Ayokong matapos ang buhay ko na malungkot,” aniya. “Toxic na nga, papa-toxic-in mo pa ang sarili mo. Wala na ngang pumapasok na pera sa iyo, made-depress ka pa?”

Na-enjoy raw niya ang pagbabanat ng buto, at hindi ininda ang iisipin ng ibang tao.

“Sabi ko sa sarili ko, ‘Mag-business ako na di kailangang ikahiya,” dagdag niya. Sobrang proud daw siya sa kanyang ginagawa dahil ang daming natuwa sa kanya dahil siya mismo ang nagde-deliver. “Imagine, nagbebenta ako ng bangus.”

Nagde-deliver daw siya kapag may kumukuha sa Quezon City, pero mas ma­laki raw ang kita kapag nag-aalok siya sa mga bahay.

Wala raw siyang physical store at wala rin siyang advertisements, pero habang nagtatagal ay luma­laki raw ang kanyang kita dahil kahit paano, nagagamit raw niya ang kanyang pagiging artista. Nagtitinda rin umano siya ng milk tea, tiger sugar with ice cream.

Naisipan daw niyang magnegosyo sa dalawang dahilan: una, upang kumita ng perang pansuporta sa kanyang pamilya, at ikalawa upang mabawasan ang lungkot kapag nakatambay lamang sa bahay.

“Walang pasok, walang trabaho,” ani Neil. “At least, na-enjoy ko na, kumikita pa ako, tapos nakakapagpangiti pa ako ng mga tao.”

Madalas daw, may mga customer siyang nagugulat kapag nakikilala siyang artista.

“Sabi nila, ‘Oh my God. Ikaw ang nagde-deliver, artista ka, di ba? Bakit ikaw ang nag-aano?'”

Yung iba raw, kinukutya siya at sinasabihang naghihirap na. Napagtanto raw ni Neil na napakahirap pala ng buhay ng nagtitinda, kahit pa artista ka.

“Iniisip nila, wala na akong pera kaya ako nagtitinda,” sabi pa ng actor. “Actually, hindi. Hindi naman sa ganun. May naipon naman ako kahit paano, pero gusto ko naman enjoy-in yung something new naman. Gusto ko ring ma-experience yung buhay ng ibang tao. Ang hirap pala, kasi pag nagtinda ka ng bangus, pagtatawanan ka.”

Pansamantalang natigil si Neil sa pagtitinda ng ba­ngus, pero anytime daw, itutuloy niya ito, lalo na kung maraming order. Nagbukas kasi siya ng liquor store, at doon ngayon nakatutok ang kanyang atensyon.

“Still open pa naman, maganda naman ang progress. Marami din naman ang bumibili, marami rin naman ang tumatangkilik,” tukoy niya sa kanyang liquor business. “Nung una Lyka yun, e, malakas ang Lyka,” sabi pa ni Neil. Ang tinutukoy niyang Lyka ay ang social media app kunsaan ang naiipong points ay nagagamit bilang mode of payment. “Saka isa pa, bahay namin dati, so wala kaming renta. Bahay namin yung pinaglagyan namin ng store. Lumang bahay, so wala akong renta. “Pag walang bumili, okay lang. Kung mayroon, okay lang din.”

Inspiradong magtrabaho si Neil ngayon dahil isa na siyang ama. Pitong buwan na kasi si Baby Jazmin Chinnei, anak ni Neil sa non-showbiz live-in partner na si Chin Kee. Marami raw nabago sa buhay niya nang isilang si Chinnie. Enjoy na enjoy raw niya ang pagiging tatay, at iniwasan na niya ang ga gatherings, at tropa, pati na mga drinking sessions at parties para makaiwas sa mikrobyong pwedeng madala sa bahay na magiging sanhi ng pagkakasakit ng kanyang anak.

“Priority ko kasama ko ang baby ko. Pag uuwi ako, excited ako, kasi gusto ko siyang makita. Gusto ko araw-araw na yakapin,” ani Neil. Dagdag pa niya, gagawin niya ang lahat para sa kanyang pamil­ya, kahit pang pagbabahay-bahay para magtinda ng bangus.

Sa ngayon, sinulit daw niya ang family time dahil malapit na ang lock-in-taping para sa Darna, ang Kapamil­ya series na pinagbibidahan ni Jane de Leon.

Gayunman, hindi raw ibig sabihin nitong ihihinto niya ang pagtitinda ng bangus. Aniya, marangal na trabaho ito, at wala siyang pakialam kung pagtsismisan man siya ng lahat. Ang mahalaga, nakakapag-provide siya ng maayos sa kanyang asawa at anak.

“Ang pagkita ng pera, hindi para iyabang, hindi para ipagmalaki, kasi alam naman natin na pag pandemic, ang da­ming nauubos na pera,” aniya. “Ang maha­laga, nakaka-provide ka sa pamilya mo. Yung hindi sila magugutom. Kahit artista ka, kailangan nating magtrabaho, kailangan ng alternative na pagkakakitaan.

“Sobrang kailangan ko ng trabaho kasi may binubuhay ako, kaya hindi ako mahihya kahit ano pang klase ng pagkakakitaan basta sa malinis na paraan.”