NAPANATILI ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paglago ng kredito sa downtrend nito sa ikatlong sunod na buwan noong Pebrero habang patuloy na nanunuot ang agresibong pagtaas sa pautang ng mga bangko sa bansa.
Ang paunang datos na inilabas ng BSP ay nagpapakita na ang pautang ng malalaking bangko ay lumago ng 10% noong Pebrero, mas mabagal kumpara sa 10.4% na naitala noong buwan ng Enero.
Sinabi ni Michael Ricafort, punong ekonomista ng Rizal Commercial Banking Corporation, na ang paglago ng pagpapautang ng mga banko ay pinakamabagal sa loob ng 11 buwan o mula noong 8.9% pagtaas na naitala noong Marso 2022.
Paliwanag ni Ricafort na ang mas mabagal na paglago ay bahagya lamang dahil sa tumaas na trend sa pandaigdiganat lokal na mga bank interes kung ihahambing sa mga nakalipas na buwan at mas mataas na inflation na isinalin sa mas mataas ding gastusin sa paghiram sa mga consumer, negosyo at maging sa iba pang institusyon.
Samantala, sa indikasyon sa paglago ng ekonomiya, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbing” Marcos sa nakaraang pagbisita nito sa China noong nakaraang Enero na tumanggap ang bansa ng mga makabuluhang pledges mula sa mga Chinese businessmen para mag-invest ng halagang unaabot sa US$22.8 bilyon.
Ang nasabing halaga ay hahatiin sa mga sumusunod:
-$1.72 bilyon na itutustos sa agribusiness, $13.76 bilyon para sa renewable energy at $7.32 bilyon para naman sa strategic monitoring – kasama na rito ang electric vehicles at mineral processing.
Batid ng lahat na ang China ang nangungunang trading partner sa mundo.
Bilang top import market, ayon sa full year 2022 data ng Philippine Statistics Authority (PSA), nakapagrehistro tayo ng import sa China na tinataya sa halagang $28.2 bilyon o 20.6% ng kabuuang total imports.
Ang iba pang top import sources natin ay ang Indonesia, 9.6%; Japan, 9.0%; South Korea, 9.0%; at United Stares, 6.5%.
Kung ang pagbabatayan naman ay ang exportation figure, pangatlo lamang ang China sa talaan ng percentage o nakalinya ito bilang third largest sa export markets.
Malayo ang inirehistrong percentage kung ikukumpara sa nakaraang taong exports goods na nagkakahalaga ng $10.97 bilyon mula sa China o nagre-represent ng 13.9% ng ating kabuuang export records.
Ang pinakamalaking export market ng Pilipinas ay ang Amerika na nagrehistro ng export value na $12.34 bilyon o 15.7% sa kabuuan. Sumunod ang Japan sa $11.13 byon o 14.1% sa kabuuan nito.