BANTA NI LENI INISMOL NG PALASYO

Leni Robredo

“SHE can do as she pleases.”

Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa pahayag ni Vice President Leni Robredo na mag-uulat siya sa taumbayan kaugnay sa kanyang nadiskubre sa kampanya ng administrasyong Duterte kontra ilegal na droga.

“Anything that she claims she has discovered was accessed to her. She was precisely appointed, apart from giving her the opportunity to assist in the campaign against illegal drugs, to let her know that everything in the drug was and is transparent,” sabi ni Panelo sa pinadalang statement.

Tiniyak naman kahapon ng sinibak na co-chairperson ng Inter Agency Committee on Anti-Illegal Drugs na mag-uulat siya sa sambayanan hinggil sa kanyang nadiskubre at mga rekomendasyon sa loob ng halos tatlong linggong pag-upo bilang co-chairperson ng ICAD.

“Noong tinanggap ko ang trabahong ito, ang una kong tinanong sa kanila ay, handa na ba kayo sa akin. Ngayon, ang tanong ko, ano bang kinatatakutan n’yo?” sabi ni Robredo.

“Ano bang kinatatakutan n’yo na malaman ko, ano bang kinatatakutan n’yo na malaman ng taumbayan?” giit pa ni Robredo.

Ayon sa bise  presidente,  hindi kailaman kayang tanggalin ang kanyang determinasyon na itigil na ang mga patayan, panagutin ang mga dapat managot at mapagtagumpayan ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Sinabi pa ni Robredo na bagama’t wala na siya sa posisyon sa ICAD ay ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang gawain upang makatulong sa pagsugpo ng malalang problema sa droga ng bansa.

Bago tumulak patu­ngong South Korea noong Linggo ng gabi ay sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo bilang drug czar.

Iginiit naman ni Pa­nelo na ang dahilan ng pagkakasibak kay Robredo at ang kanyang pagiging “incompetent” at kabiguan na mag-mungkahi ng mga makabagong pamamaraan upang wakasan ang problema sa droga.

“Tinimbang siya ngunit kulang,” pahayag  pa ni Panelo. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.