HINIMOK ni Senadora Imee Marcos ang Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na magkasa ng pangmatagalang estratehiya upang makipag-usap para sa pagpapalaya ng mga dinukot na Pinoy seafarers sa gitna ng lumalawak na Israeli-Palestinian conflict sa labas ng Gaza strip.
Muling naging mga bihag ang mga tripulanteng Pinoy sa insidenteng hijacking noong Linggo sa Gitnang Silangan, isang linggo lamang matapos ang mga rebeldeng Houthi ng Yemen ay nang-agaw ng isang barkong may kaugnayan sa Israel.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations na mas nalalagay sa panganib ang buhay ngayon ng mga tripulanteng Pinoy dahil maaaring magsanib-pwersa ang ibat-ibang militanteng grupo na nagnanais na ipaghiganti ang pagkamatay ng libo-libong Palestino.
“Walang katapusang gulo ito at maaaring maging collateral damage pa ang mas maraming Pilipinong seafarer. Ang kasalukuyang tigil-putukan para palayain ang mga bihag sa parehong panig ay pansamantala lang,” paliwanag ng senadora.
Nagbabala rin ang senador na may banta ang mga rebeldeng Houthi na kumakampi sa mga Palestino na targetin o salakayin ang iba pang mga barkong may koneksyon sa Israel.
Nasa 25% ng mga nagtatrabaho sa global maritime industry ay mga tripulanteng Pinoy, at halos kalahating milyon ang nasa cargo at cruise ships.
Nangyari ang mga hijacking sa Red Sea at sa katabing Gulf of Aden, na isang kritikal na ruta na nagkokonekta sa Europa, Middle East, at Asia.
Sa harap nito, hinikayat din ni Marcos ang DFA na maging maingat sa kanilang mga diplomatikong posisyon, lalo na bilang miyembro ng United Nations General Assembly (UNGA)
Ang pag-abstain ng Pilipinas mula sa isang resolusyon ng UNGA na humihiling ng pansamantalang tigil-putukan sa mga atake ng Israel sa Gaza ay “hindi maaaring di napansin” ng mga bansang Arab at maaaring makaapekto sa mga hinaharap na negosasyon para sa pagpapalaya ng mga bihag na Pilipino, ayon sa senador.
“Nagiging kumplikado ang ating foreign policy dahil sa ating alyansa sa Estados Unidos at ang kanilang patakaran sa kasalukuyang gulo. Ngunit ang interes ng mga Pilipino ay dapat na unahin at manaig,” giit pa ni Marcos. VICKY CERVALES