AMINADO si Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla na may ilang napapaulat na guerilla hog traders ang patuloy na nakakapasok sa mga liblib na barangay ng lalawigan na itinuturing na malaking banta sa industriya ng baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Padilla, nagsisilbing malaking hamon sa kanila ang pagiging isa sa mga entry points ng Region 2.
Bilang tugon, ibinaba niya ang executive order kaugnay sa pagpapaigting ng kanilang checkpoints kontra sa ASF, bagama’t nauna nang nagpalabas ng kautusan ang Department of Agriculture (DA) kaugnay sa pagpapaigting ng checkpoints sa lahat ng mga posibleng daan papasok sa rehiyon.
Nabatid na bukod sa checkpoints ay magsasagawa na rin sila ng surveillance sa kani-kanilang mga sektor at patuloy na pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga punong barangay dahil nag-iisa na lamang ang kanilang meat inspector sa lalawigan.
Samantala, mahigpit na ring pinababantayan ang iba pang mga ruta o shortcuts na posibleng daanan ng mga meat trader na maaaring magpasok ng mga karneng baboy na kontaminado ng ASF.
Kasunod nito, nilinaw rin niya na ang mga nakitang mahigit 10 patay na biik ay hindi namatay dahil sa ASF kundi dahil nahirapang ipanganak ng inahin na sapilitang kinatay ng isang hog raiser. BENEDICT ABAYGAR, JR.