AGAD na nakipag-ugnayan ang Presidential Task Force On Media Security o PTFoMS sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) upang imbestigahan ang pagbabanta laban sa isang beteranong radio journalist na si David Oro.
Ayon sa PTFoMS, humingi ng saklolo sa kanila si Oro matapos pagbantaan ang kanyang buhay ng hindi pa kilalang indibidwal sa magkahiwalay na pagkakataon sa nakalipas na dalawang linggo.
Kaugnay nito, hiniling ni PTFoMS Executive Director Paul M. Gutierrez kay MPD District Director BGen. Andre Dizon na magsagawa ng threat assessment hinggil dito.
Sinabi ni Gutierrez na habang maaga pa para mag-isip tungkol sa motibo habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon na iniutos ni Dizon, ang insidente ay itinuturing ng task force na seryoso.
Hiniling din nito sa MPD na bigyan si Oro ng seguridad kung kinakailangan.
PAUL ROLDAN