TINUTUGIS pa rin ng pulisya sina dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at dating BuCor deputy officer Ricardo Zulueta.
Ito ang tiniyak kahapon ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., at hindi pa rin nilulubayan ng ilang tracker ng pambansang pulisya ang mga ito.
Mahigit isang taon na ang nakalipas, sina Bantag at Zuleta ang sinasabing utak sa pamamaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid noong October 2022 at sa whistleblower inmate na si Jun Villamor.
Sinabi ni Acorda na umaasa ang Pambansang Pulisya sa positive development ng kaso ni Lapid.
Sadya lamang umanong madulas ang dalawang suspek subalit patuloy ang isinasagawang manhunt operations ng mga awtoridad lalo na’t mayroong nakabinbing warrant of arrest laban kina Bantag dahil sa kasong murder.
Nabatid na sa ilalim ng Marcos administration, apat na mamamahayag na ang pinatay na kinabibilangan nina Rey Blanco, Percival “Percy Lapid” Mabasa, Cresenciano Bunduquin at si Juan Jumalon na brutal na pinatay nitong nakalipas na linggo sa loob ng studio habang nagbo-brodkast sa Calamba, Misamis Occidental. VERLIN RUIZ