KASAMA na sa wanted list ng Philippine National Police (PNP) si dating Bureau of Corrections Chief Gerald Bantag gayundin ang kanyang dating Deputy Officer Ricardo Zulueta.
Sa ginanap na press conference sa Camp Crame, mismong si PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. ang nagkumpirma na wanted na si Bantag dahil may warrant of arrest na ito.
Inihayag din ni PNP Public Information Office chief Colonel Redrico Maranan, pinaghahanap ng mga awtoridad sina Bantag at Zulueta.
Ito ay nang magkasunod na naglabas ng warrant ang Regional Trial Courts ng Las Piñas at Muntinlupa kaugnay ng pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid at ang sinasabing middleman sa pagpatay na si Jun Villamor.
Nagpapatuloy ang manhunt operations sa Bulacan at Caloocan para sa mga umano’y sangkot na indibidwal, kung saan sinabi ng PNP na ang mga warrant ay hindi ikinokonsiderang isinilbi maliban kung sila ay personal na naihatid sa mga kinauukulang indibidwal.
Noong isang buwan ay sinampahan nang 2 counts of murder kina Lapid at Villamor sina Bantag at Zulueta.
EUNICE CELARIO