HINDI itinanggi o kinumpirma ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine kung may katotohanan ang inilabas na pahayag ni Senadora Imee Marcos hinggil sa mga posibleng nakaumang na hypersonic missiles ng China sa ilang target areas sa Pilipinas.
Maging ang Department of National Defense ay hindi agad naglabas ng kanilang posisyon hinggil sa statement ng Senadora na may 25 areas ang posibleng inuumangan ng mga hypersonic missiles ng China dahil sa Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites at West Philippine Sea scenario.
“The AFP takes such concerns seriously. We are ready to coordinate with Senator Marcos to obtain details and take appropriate actions to ensure our nation’s security,” ani AFP Spokesperson Col . Francel Margarette Padilla.
Naniniwala ang National Security Council na walang ganitong banta laban sa Pilipinas na magmumula sa China.
“The PH and PRC maintain cordial relations and are committed to managing whatever differences there may be. Thus, we see no threat of any imminent attack from the PRC,” ayon sa NSC.
Samantala, naniniwala naman ang ilang opisyal ng gobyerno na sumasawsaw lamang ang Russia bilang suporta sa kaalyadong China kaugnay sa sigalot nila sa Pilipinas hinggil sa pinagtatalunang mga teritoryo sa West Philippine
Sea kaya naglabas ito ng pahayag na tatapatan nila ang mga inimbak na missile ng United States sa Pilipinas at maging sa mga kaalyadong bansa sa Europa partikular sa Denmark.
Kamakailan ay may mga ulat na lumabas na nagsasabing nagpahayag si Russian President Vladimir Putin hinggil sa presensya umano ng mga nuclear -capable mid-range missiles sa Pilipinas at ang kanilang bansa ay tutugon sa pamamagitan ng pagdedeploy ng kanilang sariling missiles.
VERLIN RUIZ