CAVITE – GINALUGAD kahapon ng mga miyembro ng MDRRMO, Bantay-Dagat at Samahan ng Mangingisda ang karagatan ng Rosario para sa pagsasagawa ng inspeksyon bilang bahagi ng usapin sa oil spill.
Ginamitan ni Conrad Abutin, Chief Operation ng Municipal Disaster Risk and Reduction Office (MDRRMO) ng Oil Absorbent ang ilang bahagi ng tubig dagat upang higit na malaman kung may oil spill sa karagatan ng Rosario.
Makailang ulit na ibinabad ni Abutin ang Oil Absorbent sa dagat subalit, nananatili pa rin itong kulay puti at malinis matapos mailubog sa dagat.
At ipinakita rin pagsisid nito sa dagat, hawak ang oil absorbent na malinis at puting-puti pa rin ang kulay at walang mantsa pa rin ito nang iahon.
Gayundin, makikita ang mga naglulutangang mga water lily sa dagat, kapansin-pansin na walang mantsa ng langis ang mga water lily.
Sa panayam kay Mike Concha, Chairman ng Bantay-Dagat ay patunay umano ito na unti-unti ng nawawala ang oil spill sa dagat tulad ng naunang napaulat sa telebisyon at mga pahayagan.
“Pangatlong araw na kaming nagsasagawa ng inspeksyon sa ating baybaying dagat. Maganda ang resulta nito. Ipinarating na rin natin sa MENRO ang bagay na ito”, salaysay ni Concha.
Patuloy na magsasagawa ng inspeksyon ang Bantay-Dagat at MDRRMO sa karagatang sakop ng Rosario, Cavite.
SID SAMANIEGO