PALAWAN – ISANG forest ranger ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pinagtataga hanggang sa mamatay sa Sitio Kinawangan, Barangay Pasadeña.
Sa ulat ng Palawan Provincial Police Office, nakilala ang biktima na si Bienvinido Severino Veguilla Jr., alyas “Toto”, 44-anyos, at residente sa Barangay Bagong Bayan, El Nido.
Agad namang nadakip ang isa sa mga suspek na si Fernan Flores, alyas Broy, habang nakatakas naman ang iba pa.
Samantala, target naman ng manhunt operation ang mga kasama nitong nakatakas na kinilalang sina Carding Fulgencio, Glen Fulgencio at tatlong iba pa.
Ayon sa DENR, kasalukuyang nagpapatrolya ang mga miyembro ng Law Enforcement Team 4 ng DENR-CENRO (City Environment and Natural Resources Office) Taytay-El Nido Office nang itawag sa kanila ang nagaganap na illegal logging sa protected area ng Barangay Pasadeña.
Pinuntahan ng grupo ang lugar para berepikahin ang impormasyon at dito naaktuhan si Carding Fulgencio na nagpuputol ng puno gamit ang chainsaw.
Nakatunog ang ibang kasamahan nito at agad na nagsitakbuhan.
Naiwan naman ang chainsaw, kaya binitbit na lamang ng mga tauhan ng DENR para i-dokumento sa opisina subalit lingid sa kanilang kaalaman ay inabangan pala sila ng mga suspek.
Nakatakbo ang ilang DENR personnel pero na-corner si Veguilla at tinaga ni Flores bagaman nabaril siya ng biktima.
Inaresto ng PNP si Flores na nagtamo ng tama ng bala at dinala sa ospital. VERLIN RUIZ
Comments are closed.