BANTAYAN ANG SHS VOUCHER PROGRAM

NAKADIDISMAYA na gumasta ang pamahalaan ng mahigit P7 bilyon para sa mga benepisyaryo ng senior high school voucher program (SHS-VP) na hindi naman pala nangangailangan o yaong tinatawag na non-poor beneficiaries.

Sa ilalim ng SHS-VP, nakatatanggap ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng voucher ang mga kuwalipikadong mag-aaral ng SHS mula sa mga kalahok na pribadong paaralan at non-Department of Education (DepEd) schools.

Subalit sa pagsusuri ng tanggapan ni Senador Sherwin Gatchalian, lumalabas na noong School Year 2021-2022, P7.21 bilyon o 53% ng P13.69 bilyong pondong nakalaan sa SHS-VP ang napunta sa mga mag-aaral na hindi naman mahirap.

Nasa P7.30 bilyon naman o 39% ng P18.76 bilyong pondong nakalaan sa SHS-VP ang napunta sa mga non-poor learner noong SY 2019-2020

Batay naman sa datos ng Annual Poverty Indicators Survey 2020 at 2022, noong SY 2021-2022 ay 70% ng mga benepisyaryo ng SHS-VP ang nagmula sa non-poor households, habang noong SY 2019-2020 ay 64% ang non-poor beneficiaries.

Mahalagang matutukan ang programang ito ng pamahalaan para masigurong napupunta ang pondo sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sayang lamang kasi ang pondo kung hindi naisasakatuparan ang tunay na layunin ng programa at iyan ay ang matulungan ang mahihirap na mag-aaral.

Dapat ding busisiin kung saan ang naging pagkakamali at nakalusot na makatanggap ng voucher ang mga hindi kwalipikado.