LIBAN sa pagiging beach destination, ang Bantayan Island ay isa ring fishing community. Ito ang fishing grounds ng Cebu na nagsu-supply ng sariwang jsda sa bayan at iba pang probinsya kahit pa sa Maynila at Mindanao. Sikat sila sa isdang danggit.
Ngunit ang mas kaaya-aya sa Bantayan Island ay ang magandang weather temperature. Hindi gaanong mainit kung tag-araw at hindi rin naman gaanong maulan kung tag-ulan. Sa buong taon, pinakikinabangan ang dalampasigan.
Ito ang isa sa pinakamalinis na dalampasigan sa Pilipinas. Inirerekomendang dalawin ang Virgin Island, Kota Beach, Paradise Beach, at Sugar Beach. Ang entrance fee ay 250 pesos for a solo traveler. Medyo mataas ito kumpara sa karaniwang entrance fee, pero sulit naman. Kailangan ding gumamit ng bangka papunta dito, na ang bayad ay hindi bababa sa 1000 pesos per island.
Hindi kumpleto ang adventure sa Bantayan kung hindi ninyo pupuntahan ang Camp Sawi na matatagpuan sa Kota Beach Resort. Ang Camp Sawi ay itinayo para sa mga brokenhearted na babaeng nais makalimot. Try it. Baka dito mo makita ang taong habambuhay mong makakasama. JAYZL VILLAFANIA NEBRE