MALAKI ang paniwala ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na posibleng nabaon sa utang dahil sa pagkalulon sa sugal kaya nagpakamatay ang isang Koreano nang tumalon sa isang hotel sa Malate, Maynila.
Tinatayang nasa edad na 26 pataas ang biktima na nakilalang si Wonbin Lee na nanunuluyan sa unit 501 sa ikalimang palapag ng V-Hotel sa Adriatico St.,Malate.
Ayon kay Barangay Ex-O Guillermo Leopardas Jr, ng Brgy.698, pasado alas-7 ng umaga ng Miyerkules nang itawag sa kanila ang isang insidente.
Agad naman siyang tumawag sa pulisya upang maimbestigahan ang tunay na nangyari sa biktima na bumagsak sa parking entrance ng Adria Residences sa nasabi rin lugar.
Sa pagtatanong naman ni Major Edwin Fuggan, PCP commander ng Remedios Circle na suicide ang nangyari dahil ang biktima ay nakitang umakyat sa rooftop mula sa tinutuluyan nitong unit sa ika-limang palapag ng isang hotel sa Malate.
Posible umanong malaki ang problema nito sa pera, o nabaon sa utang at o dahil nalulong sa sugal sa casino ang Koreano kaya ito nagpakamatay. PAUL ROLDAN