BAON TIPS NGAYONG PASUKAN

BAON TIPS

(Ni CT SARIGUMBA)

SIMULA na naman ng pasukan. Matapos nga namang maghanap ng mga murang gamit sa eskuwela ang bawat nanay, ngayon naman ay pambaon ang kailangang atupagin o pag-isipan.

Hindi nga naman basta-bastang pagkain ang ipababaon sa mga bata o tsikiting. Pinag-iisipan dapat iyan ng magulang o nanay. Masusustansiyang pagkain, iyan dapat ang ipabaon natin sa ating mga anak upang ma­ging malakas sila at makayanan ang hamon sa eskuwelahan.

Pihikan din kasi ang mga bata. At kung hindi magiging creative ang bawat magulang sa pag­hahanda ng ipababaon sa mga anak, maaaring ‘di nila ito maibigan. Baka maghanap pa ng ibang pagkain ang ating mga anak.

Dahil importante ang masustansiyang ipababaon sa mga anak, narito ang ilan sa maaaring subukan na bukod sa masarap, gaga-nahan din silang kainin sa hitsura pa lang o presentasyon:

SANDWICH WITH A TWIST

Hindi nawawala ang sandwich sa swak na swak ipabaon, hindi lamang sa mga anak kundi maging sa buong pamilya. Bukod sa napakadali nga naman nitong ihanda, napakarami pang paraan ng paggawa nito. Kumbaga, kahit na anong klase ng palaman ay puwede nating ilagay sa sandwich.

At para maging kakaiba ang inyong sandwich na ipababaon sa mga tsikiting, kailangang i-level up ang ganda o hitsura nito sa pamamagitan ng pag-iisip ng mga makabagong ideya. Gaya na lang ng paglalagay ng fruits at vegetables sa simpleng sandwich.

Puwede mo itong ayusin ng maganda sa baunan ng anak mo.

Kung sa hitsura pa lang ay katakam-takam na ang kanilang baon, paniguradong mauubos nila ito.

FRUIT BENTO

Pangalawa sa ating listahan ang fruit bento. Unang-una, napaka­inam sa katawan ng prutas kaya’t bata pa lang ay kailangan na nating sanaying kumain nito ang ating mga anak.

Oo nga’t piling-pili lang din ang prutas na kakainin ng mga bata. Pero kung kakaiba rin ang presentasyong gagawin sa kanilang baon, tiyak na hindi nila ito mahihindian.

Sa paggawa naman ng fruit bento, mag-isip lang ng mga prutas na bukod sa makukulay ay paborito pa ng inyong anak.

BAKED CINNAMON APPLE SLICES

Isa pa sa masarap na ipabaon sa mga bata ang mansanas lalo na’t healthy rin ito. Abot-kaya lang din sa bulsa ang presyo nito.

Para naman magkaroon ng twist ang inyong apple o masanas, maaari itong i-bake saka budburan ng cinnamon.

Tatlong sangkap lang ang kakailanganin sa paggawa nito, una riyan ang mansanas na hiniwa ng mani­nipis, cinnamon powder at kaunting asukal na pula.

Ang gawin  lang, matapos na hugasang mabuti ang mansanas ay hiwain na ito ng maninipis. Puwede ka ring gumawa ng kakai-bang shape para lang maengganyo ang mga batang kainin ito.

Matapos na mahiwa ang mansanas, budburan na ito ng cinnamon at kaunting sugar. Panghuling procedure, i-bake ito.

Simpleng-simple lang ‘di ba, masarap pa.

CHICKEN POPCORN

Panghuli sa ating listahan na swak na pambaon sa mga bata ngayong pasukan ang Chicken Popcorn.

Mahilig nga naman sa chicken ang mga bata. Kaya naman, isang swak na subukan ang Chicken Popcorn.

Panibagong ideya nga naman ang Chicken Popcorn. Kaysa ang bumili ng chicken nuggets, maaaring gumawa na lang nito. Kung ikaw rin mismo ang gagawa, paniguradong masisi­guro mo ang sarap nito.

Simple lang din ang paggawa nito dahil kakailanganin lang ng chicken breast na hiniwa-hiwa sa bite size o kasinlaki ng pop-corn, cornstarch, flour, garlic powder, asin at itlog.

Paghaluin lang ang garlic powder, cornstarch, asin at flour. Haluing mabuti. Kapag nahalo na, i-dip na ang chicken sa itlog, pagkatapos ng ginawang mixture saka iprito.

Puwede ka ring gumawa ng sarili mong dip nang mas lumabas ang linamnam nito.

Hindi mabilang ang mga pagkaing puwede nating ipabaon sa ­ating mga anak. Oo nga’t kung minsan ay mahirap talaga ang mag-isip lalo na’t pihikan ang mga bata.

Pero kung magi­ging creative tayo, mapakakain natin ng masarap ang ating mga tsikiting.

Paalalahanan din ang mga anak na umiwas sa mga pagkaing hindi mabuti sa katawan gaya ng soft drinks at junk food.

Batay na rin sa datos noong 2015 nang Food and Nutrition Research Institute, nasa higit kalahating milyong bata na edad 5 pab-aba ang overweight at obese, 1.4 milyon sa edad 6-10 at 1.8 milyon sa edad 11-19.  (photos mula sa joybites.com, chefdehome.com, theorganisedhousewife.com.au)