SUSPENDIDO na muna ang bar examinations para sa taong ito.
Ito ang inianunsiyo kahapon ng Korte Suprema, ilang oras lamang matapos nilang ilabas ang resulta ng 2019 bar exams nitong Miyerkoles.
Sa isang pahinang Bar Bulletin na pirmado ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, chairperson ng 2020 bar exams, ang suspensiyon ay dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 19 (COVID-19) sa bansa.
Isa pa rito ay ang epekto sa ekonomiya ng COVID 19 pandemic idagdag pa ang epekto ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
“Upon the recommendation of the 2020 Bar Examinations Chairperson, and in view of the increasing number of COVID-19 cases in the country, as well as the social and economic disruption caused by the pandemic and the resulting Enhanced Community Quarantine, the Supreme Court En Banc resolved to postpone the 2020 Bar Examinations,” bahagi ng pahayag ni Leonen.
Sa pamamagitan nito, mabibigyang panahon din umano ang SC na makapagsagawa ng mga kinakailangang adjustments at preparasyon para matiyak na ligtas at maayos ang eksaminasyon.
Nakasaad pa sa statement ni Leonen na sa Hunyo ng taong ito inaasahang makakapagbigay sila ng petsa kung kailan gagawin ang 2020 bar exams.
Pero malabo na aniya ito ngayong taon, at posibleng sa 2021 na maisagawa.
“The new schedule shall be announced in a separate bar bulletin by June 2020 when the current adjustments to the present pandemic becomes clearer. It shall definitely be held sometime in 2021,” bahagi ng pahayag ni Leonen.
Nakasaad pa rito na ang susunod na bar exams ay gagawin sa Maynila at Cebu City.
Ang mga nakalipas na bar exams ay ginagawa sa Maynila tuwing buwan ng Nobyembre. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.