NAGSIMULA na ang unang araw ng 2020/2021 Bar examinations Biyernes ng umaga.
Ayon kay Associate Justice Marvic M.V. F. Leonen, 2021 Bar Examinations Chairperson, nasa 11,387 examinees ang kukuha ng exam sa 31 local testing sites mula sa 22 local government units (LGUs) sa buong bansa.
Itinalagang testing site ang General Santos City, Davao, Zamboanga, Cagayan de Oro, Iligan, Iloilo, Bacolod, Cebu, Tacloban, Dumaguete, Lipa City, Nueva Vizcaya, Angeles, Baguio, La Union, at ilang lugar sa Metro Manila.
“This is the largest batch of Bar examinees and it is the batch that will fulfill the lack of new lawyers that happened between the last two years because of the pandemic,” pahayag ni Leonen.
Umabot sa 96.5 porsiyento ang turnout ng examinees sa unang araw ng eksaminasyon.
Nasa 8,461 examinees ang sumailalim sa Supreme Court-administered antigen test. Sa nasabing bilang, 1.36 porsiyento ang lumabas na positibo sa COVID-19.
Sa testing sites ay nakahiwalay ang mga bakunado at hindi.
Nilinaw naman ni Justice Leonen na hindi totoo ang ilang kumakalat na ulat na kapag nagpositibo ay hindi na makakakuha ng naturang eksaminasyon.
Sinunod aniya nila ang mga panuntunan ng Department of Health (DOH) at lokal na pamahalaan na kapag nagpositibo at tapos na sa isolation period, maikokonsidera na ito bilang recovered case.