BARANGAY CHAIRMAN NILIKIDA

PAMPANGA-ISANG Barangay Chairman ang nilikida habang may kausap sa cellphone kamakalawang gabi sa Bayan ng Guagua ng lalawigang ito.

Ayon sa ulat ng Guagua Police Station, dead on the spot ang 45-anyos na biktimang si Barangay Sto Niño chairman Ranier Asban.

Base sa inisyal investigation bandang alas-9:10 ng gabi nang biglang umalingawngaw ang sunod- sunod na putok ng baril sa gasolinahan sa Barangay Sto Niño, bayan ng Guagua.

Nakitang nakahandusay ang isang lalaki habang namataan ang suspek na mabilis na naglalakad palayo sa lugar ng pinangyarihan.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, nakatayo ang biktima sa ECHO Gas station sa nasabing barangay habang nakikipag-usap sa cellphone nang pagbabarilin ng naglalakad na suspek at saka tumakas patungong Feeder Road, Barangay Sto. Cristo sa parehong bayan.

Agad na nagsagawa ng dragnet operation ang pulisya at ipina-flash alarm para sa posibleng pagdakip sa suspek na nakasuot ng itim na t-shirt, short pants at surgical facemask.

Kasalukuyang pang inaalam ang kakikilanlan ng suspek at motibo nito sa pamamaril.
VERLIN RUIZ