CAVITE – KAMATAYAN ang sinapit ng 43-anyos na barangay kagawad makaraang ratratin ng riding-in-tandem sa harapan ng kanyang bahay sa Brgy. San Sebastian sa bayan ng Kawit nitong Martes ng umaga.
Napuruhan sa mukha at dibdib ang biktimang si Crisanto Villanueva y Talana na naisugod pa sa San Pedro Calungsod Hospital subalit idineklarang patay na ng attending physician na si Dr. Jewshau Alfeed Yopo.
Sa inisyal na ulat ng Kawit police, lumilitaw na nagpapakain ng mga alagang isda sa aquarium ang biktima sa harapan ng kanyang bahay nang lapitan at barilin ng dalawang ulit ng gunman.
Kaagad na tumakas ang gunman sakay ng motorsiklong nakaparada na may ilang metro lang ang layo sa crime scene.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ang dalawang basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang bumuo naman ng Special Investigation Task Group si Cavite Police Provincial Director Col. Arnold Abad para mapabilis ang pagkakakilanlan sa gunman.
Samantala, base sa footage ng CCTV camera, may nag-park na motorsiklo na lulan ang dalawang hindi kilalang lalaki, ilang metro ang layo sa bahay ng biktima kung saan bumaba ang gunman saka isinagawa ang pamamaril. MARIO BASCO