BARANGAY TANOD TINIRA NG RIDING IN TANDEM

riding in tandem

HINDI na nagawa pang makaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang barangay Tanod matapos na pagbabarilin ng  riding in tandem kama­kalawa ng hapon sa Navotas City.

Batay sa report ng pulisya, ang biktima ay nakilalang si Ronilo Sison, alyas “Ronie”, 54, tricycle driver, ng Blk 22 Lot 26, Phase 2, Area 1, Dagat-Dagatan, Brgy. NBBS,  kung saan binawian ng buhay habang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tama ng bala sa leeg.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, alas-12:15 ng hapon, tumutulong sa pag-assist ng trapiko ang biktima sa kahabaan ng Lapu-Lapu Avenue corner Dalag St., Brgy. NBBS nang sumulpot mula sa kanyang likuran ang hindi kilalang riding in tandem saka pinutukan ito sa leeg.

Sa nakalap na impormasyon ng imbestigador na may hawak ng naturang kaso, habang tumutulong ang biktima sa pag-aayos ng trapiko ay mayroon itong nakasagutan na isang motorista kung saan ay hinihinala umanong may kaugnayan ang naganap na insidente.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek  patungo sa hindi matukoy na direksiyon habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan.

Sinusuri na ng pulisya ang kuha ng CCTV camera sa lugar upang matukoy kung nakuhanan ang insidente at malaman kung ang mga suspek ay kahawig sa motoristang nakatalo ng biktima.

Ipinag-utos na ni Col. Balasabas sa kanyang mga tauhan ang follow-up operation sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente. EVELYN GARCIA

Comments are closed.