BARANGAY TANOD UTAS SA TAMA NG KIDLAT

QUEZON- AGAD na nasawi ang isang barangay tanod matapos tamaan ng kidlat habang nasa gitna ng bukid sa Brgy. Casasahan lbaba, Gumaca kahapon.

Ayon sa report ng Gumaca PNP, nakita na lamang ang biktimang si Fernando Pagatpat, 59-anyos na nakasubsob sa lupa at wala nang buhay dakong alas- 3:30 ng hapon.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakitang may mga electric burns ang biktima sa kanang braso.

Hinihinalang tinamaan ito ng kidlat dahil ayon sa mga residente ay nakaranas ang lugar ng malalakas na pag-ulan at mga pagkidlat at pagkulog ng araw na yun.

Ayon sa public weather forecast ng PAGASA kahapon, kasama ang Quezon sa mga makakaranas ng localized thunderstrom dulot ng easterlies.

Napag-alaman na ang biktima ay umalis ng bahay dakong ala-6 pa ng umaga para pakainin ang mga alagang hayop sa kanilang bukid pero hindi na ito nakauwi kaya hinanap ito ng mga kaanak. BONG RIVERA