COTABATO CITY – PINABULAGTA ang 51-anyos na barangay treasurer matapos itong holdapin at ratratin ng riding-in-tandem gunmen sa bahagi ng Jose Lim Sr. Street sa Barangay Poblacion 5 sa harapan ng hardware sa lungsod na ito noong Miyerkoles ng umaga.
Batay sa police report, kinilala ang biktima na si Winnie Rogayan, may asawa, ng Barangay Gayonga, Northern Kabuntalan, Maguindanao.
Ayon sa pulisya, naglalakad ang biktima patungo sa barangay hall mula sa bangko kung saan nag-withdraw ito ng P209,000 bilang Internal Revenue Allotment (IRA) ng barangay nang harangin at barilin ng gunmen.
Kaagad na tumakas ang gunmen tangay ang sling bag na naglalaman ng malaking halaga habang narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
Napag-alamang bago maganap ang pamamaril ay nakatangap ng pagbabanta sa buhay ang biktima kaugnay sa hinahawakan nitong puwesto bilang ingat-yaman ng kanilang barangay.
Pinaniniwalaan ng pulisya na nakatunog ang mga holdaper na nakapag-withraw ng malaking halaga ang biktima kaya ito inabangan at isinagawa ang krimen habang patuloy naman ang imbestigasyon. MHAR BASCO
Comments are closed.