PINANINIWALAANG ang puspusang community works na puso ng BarangaYanihan Program ng Philippine National Police (PNP) at magandang relasyon nito sa komunidad ang kabilang sa dahilan ng tumaas na trust rating ng police force.
Sa nakaraang Flag Raising Ceremony nitong Nobyembre 7 sa Camp Crame, ibinida ni PNP Chief, Gen. Guillermo Eleazar na tumaas ang ranggo ng trust rating at approval rating nang siya ang mamuno.
Gayunman, hindi aniya dahil sa kanya lang kung bakit gumanda ang imahe ng pulis kundi ng buong orgasnisasyon.
Ipinagpalagay ang nabanggit na mga programa na inilunsad noong isang taon ng Police Community Relations (PCR) katuwang ang Police Community Affair and Development Group (PCADG) kung bakit napalapit sa komunidad ang pulis.
Ang Barangayanihan Program ay sinimulan noong director pa ng PCR si Maj. Gen. Rhodel Sermonia na na ngayon ay PNP-Directorate for Operations na.
Hanggang sa kasakuluyan ang nasabing programa ay ipinagpapatuloy ng PCR sa pamumuno naman ni Maj. Gen. Bartolome Bustamante kasama si PCADG Director, BGen. Eric Noble.
“Palakpakan natin ang ating mga sarili sa pambihirang accomplishment na ito, lahat tayo ay naghirap at nagsakripisyo upang maabot ito mula mga patrolman sa mga iba’t ibang mga bayan hanggang sa mga heneral na namuno sa bawat rehiyon, “ ayon pa kay Eleazar. EUNICE CELARIO