RIZAL- ANG munisipalidad ng Baras ang kauna-unahang bayan sa lalawigang ito na idineklarang insurgency free ng militar at pulisya kahapon sa ginanap na meeting ng inter- agency body na sumusuri sa mga criteria at normalisasyon ng mga lugar sa CALABARZON.
Sinabi ni Col. Dominic Baccay, Rizal provincial director na inirekomenda rin ng panel ng 202nd Infantry Brigade sa pamumuno ni BGen.Cerilo Balaoro, ang pagdeklara sa Baras base sa bagong Joint Implementing Rules and Regulations na nakapaloob sa Executive Order 546 series ng 2006 kung saan pinagbabatayan ang kawalan ng rekord ng karahasan na gawa ng NPA sa loob ng isang taon.
Ang Ceremonial Signing of Memorandum of Understanding ay isinagawa sa Baras Gymnasium na dinaluhan nina Mayor Wilfredo C. Robles, Baras Task Force ELCAC Chief, mga militar at PNP officials.
Ang okasyon ay sinabayan din ng pagdeklara ng pamahalaang lokal ng Baras na ang CPP- NPA- NDF ay Persona Non Grata ng nasabing LGU at ng panunumpa ng katapatan sa pamahalaan ng mga mamamayan, stakeholders at mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan ng Baras.
Samantala, ipinahayag naman ni Col.Ledon Monte, Quezon PNP provincial director, na ang nalalabi pang 11 bayan sa Quezon ay inaasahan idedeklara ng insurgency free sa darating na pagdiriwang ng Pambansang Kalayaan sa darating ng Hunyo 12. ARMAN CAMBE