THANKFUL si Barbie Forteza sa GMA Network, na sa nine years na niya sa showbiz magaganda at iba-iba ang characters na ginagampanan niya. Pero sa lahat ng mga proyektong nagawa niya, naiiba itong “Kara Mia” na pagsasamahan nila ng best friend na si Mika dela Cruz.
“Marami po akong nagawang mahihirap na eksena sa mga previous project ko, pero, ito lamang ang may eksenang iniyakan ko ng buong araw,” nakangiting wika ni Barbie.
“Kung nakikita po ninyo iyong trailer namin na nakabitin kami ni Mika sa isang foot bridge, hindi ko alam kung paano ako nakatapos doon. Maghapon po kasi naming kinunan iyon dahil paiba-iba ng anggulo, pero iniyakan ko talaga iyon.
“May fears po kasi ako sa height at kailangan talaga namang gawin iyon, hindi puwedeng i-double dahil mahahalata. Mahina ang loob ko talaga sa ganoon, mabuti si Mika, matapang, siya iyong nakaharap sa kalye at nakikita niya lahat ng nangyayari sa ibaba, ako po kasi iyong nakatalikod. Kaya labis ang pasasalamat namin ni Mika nang matapos iyon. Salamat po kay Direk Dominic Zapata at sa buong production team.”
Sa Monday, February 18 na ang premiere telecast ng “Kara Mia” after “24 Oras” kaya makakatapat nila ang teleserye ni Coco Martin. May pressure ba sa kanila iyon?
“Hindi ko po iniisip iyon. When we started naman po, wala silang sinabi kung saang timeslot kami ilalagay. Desisyon po iyon ng management, at siguro may nakikita sila sa “Kara Mia” at sa potential nito. Dati po kasi action ang itinatapat din nila sa action. This time, naiibang klase naman ng drama series ang mapanonood ng mga viewer. At lahat po kami sa cast, nangakong gagawin namin ang lahat para mapaganda ang show namin at masiyahan ang viewers namin every night. Naiiba po kasi ang concept at unique ang story namin maraming magiging interesado kaming panoorin.”
Makakasama rin nina Barbie at Mika sina John Estrada at Carmina Villarroel, ang parents nila, si Glydel Mercado, Alicia Alonzo, Liezel Lopel, Gina Pareno at si Mike Tan ang engkanto na si Iswal. Katambal ni Barbie ang real boyfriend niya na si Jak Roberto at si Paul Salas naman ang katambal ni Mika.
ALDEN RICHARDS PUMUNTA NG ICELAND PARA MAKITA ANG NORTHERN LIGHTS
UMALIS na si Pambansang Bae Alden Richards last Tuesday evening para sa hiningi niyang bakasyon sa GMA Network at sa “Eat Bulaga.” Base sa nai-post na picture niya, mag-isa lamang siyang umalis. Matagal na raw kasing nai-book ni Alden ang pagpunta niya sa Iceland, isa sa gusto niyang puntahang bansa, isa pa ang Croatia sa Europe.
For sure, gusto niyang makita ang Aurora Boreallis or Northern Lights na ngayon daw panahong ito nagpapakita ang magagandang kulay sa kalangitan ng Iceland.
Ayon sa manager niya sa GMA, sa Monday, February 18, ay narito na rin si Alden.
Bago siya umalis, nakaraket pa si Alden sa #2019CalabarzonHeroesGameNight na ginanap sa kanila sa Sta. Rosa, Laguna.
Comments are closed.