BARGE OILER MINALAS SA HAMPAS NG ALON

OIL BARGE

MAYNILA – HINIHINALANG tuluyang nalunod ang isang lalaking oiler ng barge matapos na hambalusin ng malakas ng alon sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan habang pabalik sa nasabing barko sa Port Area, Tondo.

Natagpuan na lamang ang walang buhay na si RJ Masuecos, 26-anyos, oiler sa Kristen Marie III Barge na pag-aari ng Terrestrial Sea-link Reliance Corporation, at tubong Iloilo.

Sa report ni Det. Mario Asilo ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 11:00 ng umaga nang matagpuang nakalutang ang bangkay ng biktima sa tubig ng Manila Bay sakop ng Baseco compound, Port Area, Manila.

Ayon kay Rocky Seminiano, kasamahan ng biktima, pabalik na umano sila ni Masuecos matapos kumain ng pananghalian sa Baseco Market at naglalakad na sila sa break water papuntang gibara na naka-dock sa Baseco pool nang hampasin ng malaking alon dahilan para matangay silang dalawa.

Sinabi ni Seminiano na nagawa niyang makalangoy at makakapit sa sementadong ‘pavement’ pero hindi na niya nakita ang biktima.

Humingi umano siya ng tulong sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) para mahanap ang biktima ngunit nabigo sila.

Kinabukasan, lumutang na ang bangkay ng biktima kung saan nakita na may dugong lumabas sa kanyang ilong.

Positibo namang kinilala ng kanyang mga kaanak ang biktima.

Hinihinalang nalunod ang biktima nang tangayin ng malakas na alon at tila humampas pa sa matigas na semento.     PAUL ROLDAN