INARESTO ng mga awtoridad ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) nang maaktuhang walang habas na nagpapaputok ng baril bago ang pagsapit ng Bagong Taon sa kanilang barangay sa Quezon City.
Ang suspek ay nakilalang si Ferdinand Dela Cruz Bagundol Jr. III, 40-anyos, may asawa, miyembro ng PCG, nakatalaga sa General Services Division, Coast Guard Base Parola at residente ng Block 8 Lot 16 Don Ramon St., Hobart Village, Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Sa naantalang report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-8:37 ng gabi ng bisperas ng Bagong Taon nang maispatan ang suspek na nagpapaputok ng baril sa harapan ng kanilang bahay sa nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ni Cpl Alexiss Mace L Jurado ng CIDU, nagsasagawa umano ng pagpapatrulya sina SSg Gerry Dumalanta, Cpl Rey Reluya, at Pat Silven Razon, ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Pasong Putik Poper Police Station (PS-16) nang makarinig ng mga putok ng baril sa lugar.
Agad nilang hinanap ang pinagmulan ng mga putok ng baril at naaktuhan pa ang suspek na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay na may hawak ng baril.
Nagtangka pang muling magpaputok ng baril ang PCG ngunit nang mamataan ang paparating na mga awtoridad ay nagmamadaling pumasok sa kanilang bahay ang suspek pero agad din siyang inaresto ng mga ito.
Kinumpiska sa suspek ang (1) black leather sling bag na naglalaman ng (1) 9MM Shooters pistol na may serial M901210071, (2) magazines, isa dito ang may laman na pitong bala, habang pitong fired cartridge cases ang nasamsam sa lugar.
Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.
EVELYN GARCIA