CAVITE- NABALOT ng lungkot ang masaya sanang pagdiriwang ng kapistahan nitong Huwebes sa Brgy. Tambo Kulit, Indang Cavite matapos na aksidenteng pumutok ang nilalarong baril sa mukha ng kasalukuyang Barangay Kagawad.
Sa harap ng maraming bisita, ginulantang ng malakas na putok ng baril ang masayang kainan at inuman kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng barangay nang bumulagta ang isang John Bonne Noel, kasalukuyang Barangay Kagawad ng nasabing lugar.
Sa nakalap na ulat mula sa pulisya, alas-7:35 ng gabi nang maganap ang insidente kung saan nakikipag- inuman ang biktima sa mga kaibigan nito sa dinaluhang kapistahan.
Dahil lango na sa alak ang biktima ay inilabas nito ang bitbit na Cal. 45 at inalis ang magazine upang ipakita sa mga kainuman.
Nagbiro ito sa mga kainuman at itinutok ang kanyang baril sa sarili nitong bibig at sa unang kalabit ng gatilyo ay hindi ito pumutok kaya sinundan muli ito ng kalabit.
Sa pangalawang kalabit ay biglang nagpulasan ang mga kainuman nito dahil pumutok na ang baril sa kanyang bibig.
Duguang bumulakta ang biktima at nakuha pang maisugod sa Poblete Hospital subalit namatay din.
SID SAMANIEGO