BATANGAS – IPINAG-UTOS na ni Police Regional Office 4-A director C/Supt. Edward Carranza na isama sa imbestigasyon ang pagsusuri sa lahat ng baril na gamit ng mga nakatalagang security ng pinaslang na Tanauan Mayor Antonio Halili.
Nauna rito, inatasan ni Carranza ang Task Force Halili na makipag-ugnayan sa mga bodyguard ni Halili upang mai-turn over sa kanila ang lahat ng mga armas ng mga ito.
Aniya, kailangan ito upang mabatid kung may mga kaukulang dokumento ang baril ng mga security ng alkalde.
Paliwanag ni Carranza, kahit security personnel ng opisyal ng pamahalaan ay hindi maaaring basta na lamang makapagdala ng baril na walang kaukulang dokumento.
Matapos barilin si Halili noong Lunes, nakapagpaputok pa umano ang mga security ng alkalde patungo sa lugar ng pinaggalingan ng putok na kumitil sa alkade.
Nitong Huwebes, isinagawa ang reenacment sa pagkakapaslang kay Halili at isa sa mga anggulong tinututukan ng binuong SITG ang pagkakasangkot umano ng opisyal sa drug trade na itinanggi ng pamilya ng alkalde.
Kaugnay nito, nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na apat lang sa sampung napapatay na mayor sa ilalim ng administrasyong-Duterte ang inuugnay sa droga.
Tanging sina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., Tanuan City Mayor Antonio Halili, Datu Saudi Ampatuan, Mayor Samsudin Dimaukom at Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog ang sinasabing may kinalaman umano sa sa illegal drug trade.
Ang anim pang pinatay ay sina Pantar Mayor Mohammad Exchan Limbona, Marcos Mayor Arsenio Agustin, Bien Unido Mayor Gisela Bendong-Boniel, Balete Mayor Leovino Hidalgo, Buenavista Mayor Ronald Lowell Tirol at Gen. Tinio Mayor Ferdinand Bote.
Sinasabing kabilang sa drugs watchlist na hawak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may mahigit 100 mayor at higit 200 punong barangay ang nakalista. VERLIN RUIZ /PILIPINO Mirror
Comments are closed.