BULACAN- PUMANAW isang batang lalaki na aksidenteng nabaril ang sarili habang nasa loob ng comfort room ng Benito Nieto Elementary School sa Brgy, Muzon sa siyudad ng San Jose del Monte sa lalawigang ito.
Base sa paunang imbestigasyon ni Cpl Dexter Mabatas, ganap na ala- 5:40 ng umaga kahapon nang umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril sa loob ng paaralan.
Nasa 12-anyos ang Grade 6 student sa nabangit na eskwelahan na sinasabing lulong umano sa online game na ML.
Ayon sa mga awtoridad, ang baril na ginamit ng binatilyo ay isang kalibre 9mm na inisyu ng PNP na pag-aari ng kanyang ama na si Pems Dascil na nakatalaga sa Camp Crame.
Nabatid na nilaro ng biktima ang baril ng ama nang aksidenteng pumutok at tumama sa ilalim ng baba na lumagos sa bahagi ng ilong ang bala nito.
Agad dinala sa Kairos Hospital ang bata subalit kalaunan ay inilipat sa Skyline hospital para sa medical intervention na kasalukuyang nasa ICU pero pumanaw na rin. THONY ARCENAL