BARILAN SA ISTASYON: 1 PATAY, 2 KRITIKAL

PATAY ang isang pulis habang dalawa pang kasamahan nito ang kritikal kabilang ang namaril na kabaro nito sa loob mismo ng Taguig City Police Station sa nasabing lungsod kahapon ng umaga.

Sa paunang report mula kay Col. Robert Baesa, kinilala ang nasawi na si PEMS Heriberto Saguiped, miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force ’97 habang patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan si Cpl. Alison Sindac kapwa nakataga sa Taguig CPS.

Nasa malubhang kalagayan din ang suspek sa pamamaril si CMS Alraquib Aguel na nakatalaga rin sa nasabing istasyon at nagtamo naman ng tama ng bala sa leeg.

Naganap ang naturang insidente dakong alas- 11:30 ng umaga sa loob ng Office of Community Affairs Section, HQ, Taguig CPS, City Hall Compound, Gen. Luna St., Brgy. Tuktukan,Taguig.

Nabatid na dumating ang suspek na si Aguel sa nasabing tanggapan at agad na kinompronta si Saguiped hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo at bigla na lang binaril ni Aguel si Saguiped.

Sinubukan namang awatin ni Sindac si Aguel subalit pati ito ay binaril ng suspek at nagawa pa rin namang makaganti ni Sindac at tinamaan din ang suspek.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima kung saan idineklarang dead on arrival na si Saguiped habang nilalapatan ng lunas sina Sindac at Aguel.

Sa impormasyon, ikinagalit umano ni Aguel na isa umanong Muslim kung saan ang nakahandang ulam sa tanghalian na ‘pork o baboy’ na bawal umano sa kanilang relihiyon. PAULA ANTOLIN/ EVELYN GARCIA