BARKADAHAN PARTY-LIST NAGSAGAWA NG MALAKIHANG RALLY SA QUEZON CITY

BARKADAHAN PARTY LIST

NAGSAGAWA ng grand rally ang Barkadahan Party-list, ang boses ng masa sa gobyerno, kasama ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa Quezon City sa pangunguna ng first congressional nominee nito na si Ren Pasco.

Sinabi ni Pasco sa kanyang talumpati, na buong puso siyang naniniwala na walang Pilipino ang itinadhana na maging mahirap. Ang pag-ahon mula sa hirap ay mula sa sariling determinasyon, ngunit kailanman, walang sinuman ang nakaangat mula sa laylayan nang mag-isa, kailangan nya ng kasama.

Sa kanilang ginawang pag-ikot noong mga nakaraang buwan, pakikipag-usap, pakikipag-kwentuhan, at pakikipag-damayan sa mga kababayan, ang laging suliranin na idinudulog sa kanila ng bawat pamilyang Pilipino ay ang kawalan ng trabaho at hanapbuhay.

Kaya naman isa sa focus ang Barkadahan Party-list ay ang magkaroon ng programa sa trabaho at kabuhayan. Hinahangad din nila na magkaroon ng joint programs sa Department of Labor and Employment para sa  MSME or Micro Small Medium scale Enterprises upang mabigyan ng sapat na tulong na magpapaangat sa lokal na produkto

Idinagdag pa ni Pasco, na gusto nilang magkaroon ng program para sa pamilya ng mga OFWs na siyang magtuturo sa financial literacy upang hindi masayang ang pinaghirapan ng kanilang mga mahal sa buhay sa ibang bansa.

Isusulong din ng Barkadahan Party-list sa kongreso na mapabilis ang regularization ng mga manggagawa sa pribado o pambublikong sektor man. Hangad din nila na magkaroon ng makatarungang sahod ang mga manggagawa sa pamamagitan ng national wage rate.

“Bawat kwento na aming narinig, patak ng luha na aming nasaksihan, hirap at desperasyon na aming naramdaman mula sa ating mga kabarkadang patuloy na lumalaban sa mga hamon ng buhay ang siyang magsisilbing gabay para patuloy ang ating Barkadahan,” pagtatapos ni Pasco.