KINUMPIRMA ng Philippine Coast Guard (PCG) na umakyat na sa tatlo ang naitalang patay sa nagliyab na pampasaherong barko sa karagatang sakop ng Dapitan sa probinsya ng Zamboanga del Norte kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat na ibinahagi ng PNP Maritime Group at Philippine Coast Guard Dapitan City Station Commander Lt. Junior Grade Cherry Manaay pawang pasahero ang mga nasawi.
Dalawa sa inulat na nasawi ay kinilala ng coast guard na sina Chloe Labisig, isang taong gulang, at Danilo Gomez, 60-anyos. Habang may-roong isa pang dinala sa ospital na walang malay.
Ayon sa PNP Maritime na kasama sa nagsagawa ng search and rescue operation, matapos na makatangap ng distress call ay nasa 102 pasahero ang nailigtas habang may 30 ang sinasabing missing sa naturang trahedya.
Ayon sa naunang impormasyon biglang nagliyab ang MV Lite Ferry 16, isang roll-on-roll-off (Ro-Ro) vessel na malapit na sana sa daungan ng Dapitan City na hinihinalang nagmula sa may engine room ng barko.
Bandang alas-11:00 kamakalawa ng gabi ng magsimula umano na magliyab ang barko na agad na lumikha ng panic kung saan nagtalunan sa barko ang mga pasahero dahil sa nerbiyos at labis na takot.
Pahayag ng ilang nakasaksi maghahatinggabi na kaya marami sa kanila ay natutulog na at naalimpungatan na lamang dahil sa tunog ng sirena at sigawan ng mga tao na nasusunog na ang bahagi nito.
Nabatid na malapit na sana ang Ro-Ro sa pantalan ng Dapitan at padaong na ito.
Ang barko ay umalis dakong alas-6:00 kamakalawa ng gabi mula sa Samboan, Cebu City at patungo ito ng Dapitan City.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang inilunsad na rescue operation ng Philippine Coast Guard, PNP Maritime at iba pang awtoridad para sa mga nawawalang mga pasaherong tumalon sa barko.
Sinasabing may sakay na 137 ang barko at 109 dito ay matatanda, 24 ang mga bata at apat naman ang infants habang 38 naman ang tripulante at crew ng barko.
Tumagal ng dalawang oras bago dumating umano ang rescue na nagligtas sa mga pasahero.
Nagpapatuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng PCG sa insidente habang tuloy-tuloy rin ang search and rescue operation sa mga nag-panic na pasahero na nagsipaglundagan sa takot. VERLIN RUIZ
Comments are closed.