BARKO NG BFAR BINUNTUTAN NG CHINESE NAVY VESSEL

KINUMPIRMA ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang Chinese navy vessel ang bumubuntot sa BRP Francisco Dagohoy ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources mula Pag-asa Island hanggang sa pagbalik nito sa Palawan.

Ang nasabing insidente ay nangyari nitong Biyernes kung saan ang nasabing barko ay tumulong sa Bureau of Fisheries na ideliver ang livelihood assistance para sa mga residente sa isla.

Ayon kay PCG Spokesperson Armand Balilo, hindi kaagad napansin ng BRP Francisco Dagohoy ang Chinese vessel ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na may sakay din na mga journalist.

Ang panibagong insidente ay naganap kasabay sa isinagawang trilateral defense cooperation sa pagitan ng tatlong national security advisors.

Nangako ang tatlong national security advisors ng Pilipinas, Amerika at Japan ang higit pang pagpapalalim ng kanilang trilateral defense cooperation sa ginanap na initial meeting na ginanap sa Tokyo, Japan.

Sa isang joint statement, sinabi ni Philippine NSA Eduardo Año kasama ang counterparts nito na sina US Security Adviser Jake Sullivan at Japanese Security adviser Akiba Takeo, tinalakay nila ang mga plano para sa pagtiyak sa kapayapaan at stability sa Indo-Pacific region lalo na sa pagkakataon na magkaroon ng unilateral attempts para baguhin ang status quo sa rehiyon ng puwersahan.

Kabilang sa tinalakay ay ang pinagtatalunang karagatan sa West Philippine Sea gayundin ang tensiyon sa Taiwan strait at sa North Korea.

Sinasabing upang higit pang pag- ibayuhin ang defense at security sa rehiyon, magsasagawa ng joint maritime activities kabilang ang multilteral joint naval exercises sa mga karagatan sa Indo-Pacific.

Natalakay din sa pagpupulong ang developments sa ugnayan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas kabilang ang pagtukoy sa apat na karagdagang sites sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Habang ang Pilipinas at Japan naman ay sumentro ang pag-uusap sa frameworks para sa pagkakaroon ng isang reciprocal visits ng defense at military officials.
VERLIN RUIZ