BARKO NG PCG KASADO SA CHRISTMAS CARAVAN SA WPS

HANDA na ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isasagawang “Christmas caravan” ng grupong Atin Ito! Coalition sa mga isla na sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, maagang ipinosisyon ng PCG ang kanilang mga tauhan at barko para sa tatlong araw na caravan.

“As early as now, we are preparing our security personnel and positioning our vessels to uphold maritime security and safety during the three-day humanitarian initiative,” ayon kay CG Admiral Gavan.

Dagdag pa nito, nasa 40 bangka ang lalahok sa caravan sa Disyembre 10 kaya naman naglabas na ng direktiba si Gavan sa Coast Guard District Palawan para matiyak ang kanilang kaligtasan at seguridad .

Partikular na bibisitahin ng grupo ang Pag-asa Island na may komunidad ng mga Pilipino na naninirahan .

Inaasahan din na kasama sa bibisitahin ng grupo ang Patag Island at Lawak Island kung saan nakaposisyon ang mga tauhan ng PCG .

Pinasalamatan rin ng PCG ang mga civil society groups na patuloy na nagpapadala ng mga regalo sa kanilang mga tauhan na nakaistasyon sa WPS, mga essential goods, damit at mga gamot.

Sinabi ni PCG spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo na nalulula na umano sila sa dami ng mga tumatawag para magpadala pa ng mga regalo at ibang gamit sa kanilang mga tauhan.

“Nakatitiyak po kayo na agad naming maita-transport ang mga regalo sa Palawan para matanggap ng ating mga Coast Guard troops bago mag-Pasko,” ayon kay Balilo.

Sa mga gustong magpadala ,sinabi ni Balilo na makipag-ugnayan lamang sa PCG Public Affairs Service sa pamamagitan ng kanilang opisyal na PCG Facebook page o sa pagtawag sa operations number: 0927-560-7729).

“As our fellow Filipinos step foot on Pag-asa Island, we hope this experience will ignite the spirit of patriotism and inspire them to stand with us in safeguarding the country’s sovereign rights within our exclusive economic zones,” dagdag naman ni Gavan.
PAUL ROLDAN