BARKO PINARALISA NG LPA, 400 PASAHERO STRANDED

ITCZ

ZAMBOANGA CITY – DAHIL sa sama ng panahon  o   low pressure area (LPA), hindi pinaglayag ng Philippine Coast Guard ang ilang mga barko sa karagatang sakop ng lungsod na ito dahilan nang pagka-stranded ng 400 pasahero sa pantalan kahapon.

Sa ulat na nakara­ting sa PILIPINO Mirror, ala-1 ng hapon sinuspende ang mga biyahe papasok at palabas ng siyudad dahil sa malakas na hangin at maalon na karagatan.

Batay sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pinaigting pa ng intertropical convergence zone (ITCZ) ang LPA kaya naging masungit ang panahon sa lugar.

Marami sa mga naghintay na pasahero ay papunta sanang Lamitan at Isabela City sa Basilan, at may ilan ding patungo sana sa Sulu at Tawi-Tawi.

Kabilang sa mga ito ang ilang guro na babalik sana sa mga eskuwelahan dahil sa pagbubukas ng klase.

Naglagay na ng passenger assistance center ang Coast Guard, Maritime Industry Authority at ilan pang ahensiya sa pantalan para tumugon sa mga pangagailangan ng mga na-stranded na pasahero.

Samantala, dahil sa maligalig na karagatan, isang bangka ang inanod at napunta sa mga batuhan sa Paseo del Mar, pasado alas-3 ng hapon. AIMEE ANOC

Comments are closed.