CEBU –ISANG barko mula sa Panama na kargado ng 300,000 langis, ang sumadsad sa baybayin na sakop ng Cebu City dahil sa tindi ng alon habang 200 bahay ang lumubog sa baha bunsod ng walang hintong pag-ulan sa Camarines Sur.
Sa ulat kahapon, Agosto 4, nakaangkla na ang Panamanian cargo vessel na M/V Arikun sa Tayud Anchorage Area, sa Cebu matapos itong nire-spondehan ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG)-7.
Dadaong sana ang barko sa Cebu International Port, subalit nakasagupa ang matinding alon.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng PCG-7 na si Lieutenant Junior Grade Michael John Encina, nakadagdag sa pagsadsad ng barko ay dahil low tide pa noon.
Nasa ligtas na kalagayan ngayon ang mga crew member na galing pa ng China, Myanmar, at Vietnam matapos rumesponde ang medical team ng PCG.
Samantala, nasa 200 bahay sa bayan ng Nabua, Camarines Sur ang lumubog sa baha dahil sa matinding pag-ulan ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office.
Sa ulat na nakarating sa PILIPINO Mirror, apektado ng baha ang mga residente ng Barangay Antipolo Young, Antipolo Old, Lourdes Young at San Juan.
Itinuturong rason ng pagbaha ang tubig na nagmumula sa lungsod ng Iriga at bayan ng Buhi dahil na rin sa ilang araw na buhos ng ulan. EUNICE C.
Comments are closed.