ISINUSULONG ng Maritime Industry Authority (MARINA) katuwang ang ilang government agencies at pribadong sektor na tuluyang ma-phase out ang mga lumang barkong gumagamit ng mga materyal na kahoy kaalinsabay ng itinutulak na modernization sa domestic shipping industry sa bansa.
Ayon kay MARINA Officer-in-Charge Administrator Vice Admiral Narciso Vingson Jr., panahon na upang mapalitan ang mga bulok na barkong may kahoy nang mas matibay o technologically improved hull materials.
Ipinarating ng opisyal ang pahayag sa ginanap na institutional mechanism workshop kasama ang boat operators at associations kamakalawa sa Iloilo at Guimaras.
Napag-alamang nakahanda ang Development Bank of the Philippines (DBP) para suportahan ang naturang mungkahi sa pamamagitan ng financing program na tinatawag na Connecting Rural Urban Intermodal Systems Efficiently (CRUISE) para maisakatuparan ang naturang modernisasyon sa domestic shipping industry.
Nabatid na maaaring magpahiram ng pondo ang DBP na babayaran ng borrower sa loob ng 15 taon kung kaya’t hinihikayat ng bangko na mag avail ng financing program.
Ilan sa mga maaaring makahiram ay ang mga private corporation, government agencies, local government units (LGUs), government-owned and controlled corporations (GOCCs), financial institutions at cooperatives, subalit hindi sakop dito ang individual operators.
Kabilang naman sa mga dumalo sa nasabing mechanism workshop ay ang ilang local at international boat builders at shipbuilders gaya ng OCEA Shipbuilding and Industries, Philippines PIO-Ship Inc., Metallica Shipyard, Lacson Marine Consultancy, Swerte Grande Ventures Corp., Suzuki, Pinoy Catamaran at ang Boat Industries Association of the Philippines (BIAP).
Iprinisinta sa mga dumalo ang ilang makabagong disenyo ng mga barko na pawang gawa sa mga aluminum, steel at fiberglass na maaaring ikonsidera ng mga stakeholders bilang pamalit sa mga barkong gumagamit ng materyal na kahoy.
Tiniyak ng MARINA na ang mga naturang modernong disenyo ay ligtas, matibay at environment-friendly gayundin ang mahinang pagkonsumo nito ng gasolina. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.