ZAMBALES – NASABAT at inaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga tripulante ng isang Liberian flagged vessel na may kargang toxic waste mula sa South Korea sa isang pantalan sa lalawigang ito.
Agad na ipinasa ng PCG ang imbestigasyon sa National Bureau of Investigation (NBI) para siyasatin ang kapitan at crew merchant ship na may-roong kargang 53,000 tonelada ng nakalalasong kemikal mula sa South Korea.
Ayon sa National Coast Watch Center (NCWC), nagtungo ang PCG kasama ang ilang tauhan ng NBI sa Cabangan Wharf sa Cabangan, Zambales para pormal na ipatupad ang pag aresto sa Liberian-flagged ship.
Sinasabing lulan ng barko ang nakalalasong kemikal na phospho gypsum na nagmula sa Gwangyang Port at nakatakda sanang dalhin sa San Mateo, Rizal.
Pagkadating sa Zambales, agad hiningan ng mga awtoridad ang kapitan ng barko ng cargo permits ngunit wala itong naipakita.
Dahil dito, agad ipinag-utos ang pagpapahinto sa unloading operation dahil sa paglabag sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 at Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Kasalukuyang nagsagawa pa ang PCG ng inventory sa mga gamit sa barko at iba pang sasakyan na sangkot naman sa sinasagawang sa unloading operation para sa mga pinagbabawal na kargamento.
Dinala naman ang kapitan, crew members at maging ang crane operators sa NBI headquarters sa Maynila para sa isasagawang mas malalim na imbestigasyon. VERLIN RUIZ