BARMM LEADERS UMAASANG SUSUNOD NA ANG SENADO SA PAG-APRUBA SA POLL POSTPONEMENT

UMAASA sina Basilan Gov. Jim Hataman Salliman, Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr., Maguindanao del Norte Gov. Abdulra of Macacua, at Tawi-Tawi Gov. Yshmael Sali na susunod na ang Senado sa pag-apruba sa panukalang ipagpaliban ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) sa 2026.

Ito’y makaraang ipasa noong Martes, Disyembre 17, ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang isang bill na naglalayong ipagpaliban ang BARMM elections sa May 2026 upang bigyan ang pamahalaan ng sapat na panahon na resolbahin ang mga isyu na may kinalaman sa eleksiyon sa rehiyon.

“This purposeful resetting is intended to ensure that the electoral process is conducted with integrity and safeguards the fundamental right of suffrage by creating the conditions indispensable for its meaningful exercise,” pahayag ng apat na gobernador sa isang joint statement.

Sa botong 198-4 at walang abstentions, inaprubahan ng lower house ang House Bill 11144, o ang bill na naglalayong ipagpaliban ang eleksiyon, makaraang magpahayag ng pagkabahala ang BARMM stakeholders sa posibleng hindi pantay na representasyon sa Bangsamoro region kapag itinuloy ang halalan sa 2025.

Ang katulad na bill ay inihain din sa Senado ni Senate President Chiz Escudero.

Sinabi rin ni House Speaker Martin Romualdez, ang may akda ng bill, na kinakailangang ipagpaliban ang eleksiyon sa gitna ng mga isyu tulad ng paghiwalay sa Sulu sa BARMM at upang tulungan ang rehiyon na mag-adjust sa alokasyon ng puwesto sa BARMM parliament.

“This postponement is not a delay in progress but rather a necessary step to ensure that the foundations we are building for BARMM are solid and capable of supporting a sustainable autonomous government,” wika ni Romualdez sa isang statement.

Sinabi rin ng Commission on Elections (Comelec) na nakahanda itong itigil ang kanilang paghahanda para sa BARMM elections sa sandaling maisabatas ang pagpapaliban sa halalan.

“In case it becomes a law, the Comelec stands ready to stop our preparations. If it is not passed into law, we will just be continuing with our preparations. Whatever will be the decision, as the law’s implementor, we will just be waiting for it,” sabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco.

Nauna na ring nagpahiwatig si Presidente Bongbong Marcos, Jr. sa posibilidad ng pagsuspinde sa eleksiyon sa rehiyon dahil sa legal issues, kabilang ang paghiwalay sa lalawigan ng Sulu sa BARMM.

Itinalaga rin ng Pangulo si Special Assistant to the President Anton Lagdameo bilang point-man ng Malacanang sa pagtiyak sa maayos na pakikipag-ugnayan ng national government sa BARMM upang masiguro ang mapayapa, malinis, at maayos na eleksiyon.

May 10 Basilan mayors, na kinabibilangan nina Roderick Furigay ng Lamitan City, Nasser Abubakar ng Lantawan, Moner Manisan ng Tabuan Lasa, Jomar Maturan ng Ungkaya Pukan, Jaydeefar Lajid ng Albarka, Alih Sali ng Akbar, Arsina Kahing-Nanoh ng Muhtamad, Jul-Adnan Hataman ng Sumisip, Arcam Istarul ng Tipo-Tipo, at Talib Pawaki ng Hj. Muhammad Ajul ang nagpahayag din ng suporta sa pagpapaliban sa nasabing halalan.

“Holding these elections separately from the 2025 local and senatorial elections provides an opportunity to consolidate the stability achieved through the BARMM peace process,” ayon sa mga alkalde.

Suportado rin ng mga opisyal ng pamahalaan, kabilang si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr., ang pagpapaliban sa BARMM elections.

“The election reset will allow us to give considerable focus to these socioeconomic programs rather than a divided concentration on the election that may compromise our ongoing efforts,” sabi ni Galvez.