Baron Frederick von Geisler ang tunay niyang pangalan. Isinilang noong June 5, 1982, magaling na aktor na may German-American descent, self-confessed alcoholic, pero hindi na ngayon. Good boy na raw siya.
May naiwang bakas ang kanyang mga kalokohan noong kanyang kabataan.
Fourteen years old daw lamang siya nang magsimulang uminom ng alak, halos kasabay ng pagpasok niya sa show business. Ilang ulit siyang ipinasok ng kanyang ina sa detox facility ngunit bumabalik pa rin siya sa dating bisyo.
High school pa lamang si Baron nang mapaaway siya ng matindi sa isang bar sa Pampanga, dahilan para masugatan siya sa mukha, na nag-iwan ng malalim na pilat.
Ngunit tapos na raw ang madilim na bahagi ng kanyang buhay. Ngayon ay masaya na siya at kuntento sa kanyang pamilya at isa na ring negosyante.
Patuloy pa rin siyang aktibo sa social media at kung may pagkakataon ay lumalabas pa rin sa television, ngunit mula nang buksan niya ang Gents Barber sa Cebu noong 2018, tinutukan na niya itong mabuti.
Malaki na talaga ang ipinagbago ni Baron. Hindi na siya alcoholic. May mga pagkakataon pa rin umanong natutukso siyang uminom, pero napipigilan na niya ang kanyang sarili — para sa kanyang pamilya raw na matiyagang umunawa sa kanya noong panahong bagsak na bagsak siya. RLVN