BARS, THEATERS, CASINOS IPINASASARA SA GITNA NG BANTA NG COVID-19

CLOSED

INILABAS ng Department of Trade and Industry (DTI) ang implementing guidelines para sa operasyon ng ilang business establishments sa harap ng ipinatutupad na  quarantine sa Metro Manila.

Sakop ng Memorandum Circular 20-04 ang iba pang mga negosyo maliban  sa malls na inirekomendang limitahan ang kanilang operating hours.

Nabatid na epektibo ang kutusan sa loob ng 30 araw simula kamakalawa, March 15, hanggang April 14, 2020.

Nakasaad sa memorandum na isang buwan dapat magsara ang mga negosyo na nagbibigay ng leisure at entertainment gaya ng night clubs, bars, beer parlors at pubs.

Ipinagbabawal din muna ang operasyon ng art galleries, concerts, opera o dance productions, theater halls at iba pang lugar na nagbibigay ng art, aliw at iba pang recreation activities.

Samantala, hindi rin muna pinag-ooperate ang gambling facilities tulad ng casinos, bingo halls, video gaming terminals, gayundin ang nagpapa-lotto at ang off track betting.

Idinagdag pa ng DTI na dapat makibahagi ang mga lessor at mga may-ari ng espasyo ng mga business establishment sa responsibilidad sa pag-waive ng rental fees at charges sa mga tindahan.

Ang mga retail establishment at mga negosyong may kinalaman sa  agrikultura, manufacturing at services ay papayagan pa rin ng DTI subalit kinakailangang iwasan nila ang siksikan ng mga tao sa kanilang mga negosyo.

Kasabay nito, hinikayat ng DTI ang mga business establishment na magbigay ng temporary housing para sa mga manggagawang nakatira sa labas ng Metro Manila.

Bukod dito, upang maiwasan pa rin ang paglabas ng mga tao, hinimok ng DTI ang retail establishments na palakasin ang internet retail o online commerce dahil papayagan pa rin naman ng delivery platforms sa buong Metro Manila.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.