BARTY PASOK NA SA WIMBY SEMIS

Ashleigh Barty

LONDON — Lumapit si Ashleigh Barty ng isang hakbang sa pagtamo ng kanyang misyon na makopo ang Wimbledon women’s crown sa 50th anniversary ng unang title victory ni fellow indigenous Australian Evonne Goolagong Cawley.

Dinispatsa ni Barty si fellow Australian Ajla Tomljanovic — sumabak sa kanyang unang Grand Slam quarterfinal sa edad na 28 — 6-1, 6-3, upang umabante sa semifinals.

Makakasagupa ni world number one Barty si 2018 champion Angelique Kerber para sa isang puwesto sa finals sa Huwebes.

Si Kerber, namayani kay Karolina Muchova, 6-2, 6-3, ang nalalabing player na nakapasok na sa ‘last four’ ng torneo.

Sa isa pang semis match ay maghaharap sina dating world number one Karolina Pliskova at Aryna Sabalenka ng Belarus.

Pinutol ni Sabalenka ang historic run ni Ons Jabeur ng Tunisia sa pagtarak ng 6-4, 6-3 panalo, habang umusad si Pliskova sa kanyang unang Wimbledon semifinal nang pataubin si Viktorija Golubic ng Switzerland, 6-2, 6-2.

Si Barty ay may 2019 French Open title nang ipinagmamalaki ngunit wala pa ang Wimbledon sa kanyang Grand Slam list bagama’t nagwagi siya ng junior title noong 2011.

Ang kanyang pinakamagandang ipinakita sa torneo sa kasalukuyan ay ang fourth round appearance noong 2019.

Gayunman ay tila determinado si Barty na manalo sa anibersaryo ni Cawley kung saan nagsuot pa siya ng specially-designed dress bilang pagpupugay sa ‘iconic’ scallop na isinuot ni Cawley para sa kanyang 1971 title success.

Ikinatuwa niya ang pagmartsa sa semis bagaman mabigat na kalaban si Kerber lalo na sa grass.

“It’s the ultimate test,” ani Barty. “Angie’s had success here before. I love that match-up.

“This is a dream come true.”

Tila isang tunay na banta si Kerber makaraan ang magaan na panalo kontra Muchova.

“It’s a magical place for me,” ani Kerber, isang three-time major winner, matapos na kunin ang 80th victory ng kanyang career sa grass.

“I was excited to play the grass court season after a one year break. I am so happy having my heart on the court and enjoying my time.”

Comments are closed.