BARYANG IDINEPOSITO SA CoDMs PUMALO NA SA P1.082-B

SINABI ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na umabot na sa P1.082 billion ang halaga ng mga baryang idineposito sa pamamagitan ng coin deposit machines (CoDMs) nito.

Sa isang post sa social media nitong Lunes, sinabi ng BSP na hanggang Nobyembre 15, ang CoDMs ay nakaipon ng mahigit 280 milyong piraso ng barya at isinagawa ang mahigit 255,000 transaksiyon.

Inilunsad noong Hunyo 20 ng nakaraang taon, ang CoDM project ay nagpapahintulot sa mga customer na kumbinyenteng ideposito ang kanilang legal tender coins na ike-credit sa kanilang GCash o Maya electronic wallet accounts, o iko-convert sa shopping vouchers.

Sinusuportahan ng coin deposit machines ang Coin Recirculation Program ng BSP upang ibalik ang mga nakatagong barya sa sirkulasyon at maserbisyuhan ang currency needs ng bansa.

Sa kasalukuyan, ang BSP ay nakapag-deploy ng CoDMs sa partner retail establishments sa buong Greater Manila Area.

Ang mga ito ay matatagpuan sa Robinsons Place Metro East, Pasig City; Robinsons Place Novaliches, Quezon City (QC); Robinsons Place Antipolo, Rizal; Robinsons Place Magnolia, QC; Robinsons Place Ermita, Manila; Robinsons Place Galleria, Ortigas; Festival Mall, Muntinlupa City; SM Megamall, Mandaluyong City; SM City Grand Central, Caloocan; SM City Marilao, Bulacan; SM City Taytay, Rizal; SM Hypermarket FTI, Taguig City; SM Southmall, Las Piñas City; SM City Sucat, Parañaque; SM City Calamba; SM City Marikina; SM City San Mateo, Rizal; SM City Valenzuela; SM Mall of Asia, Pasay City; SM City North EDSA, QC; SM City Fairview, QC; SM City San Lazaro, Manila; SM City Bicutan, Parañaque; at SM City Bacoor, Cavite.

Naunang sinabi ng BSP na palalawakin nito ang proyekto sa paglalagay ng 25 pang CoDMs sa buong bansa sa 2025.